Saturday, April 19, 2025
HomeTop StoriesTatay na PWD na pumanhik sa entablado para tanggapin awards ng mga...

Tatay na PWD na pumanhik sa entablado para tanggapin awards ng mga anak, kinaantigan

Nabagbag ang damdamin ng mga netizen sa isang viral video kung saan mapapanood ang isang tatay na may kapansanan habang pilit na umaakyat sa school stage para tanggapin ang parangal ng kanyang mga anak, sa kanilang moving-up at graduation ceremonies ng Calauag National High School sa Quezon.

Sa ulat ng  ABS-CBN News, maituturing na proud moment para sa mga magulang ang pagtatapos sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Subalit para kina Janella at John Mark Bueno, na nagtapos ng Grade 10 at Grade 12, mas ipinagmamalaki nila ang kanilang amang si Jonathan Bueno, na siyang nagtaguyod sa kanilang pag-aaral sa kabila ng pagiging isang person with disability (PWD).

Kuwento ng magkapatid, ang kanilang ama ay nagkaroon ng sakit na polio noong siya ay bata pa, na nakaapekto sa kanyang mga paa at binti.

Sa eksklusibong panayam ng News 5 sa mag-ama, inamin ni Tatay Junjun na labis ang kanyang pagkabigla nang sabihing aakyat siya ng entablado. Kaya naman, labis ang kanyang tuwa nang personal niyang isabit ang medalya sa kanyang anak.

Ang panganay na anak ni Tatay Junjun na si John Mark ang nagtulak ng kanyang wheelchair hanggang sa hagdan ng stage.

Iginagapang daw ni Tatay Junjun ang kanilang pang-araw-araw na buhay sa pamamagitan ng paggawa ng kalan na de-uling.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizen. Bukod sa paghanga kay Tatay Junjun, saludo rin sila sa mga anak na bukod sa nagsikap sa pag-aaral, ay hindi kailanman ikinahiya ang kanilang amang may kapansanan.

“What a responsible father… tinalo pa mga tatay na kompleto pero irresponsible.”

“Congratulations po! Sana may mag-offer ng scholarships para sa dalawang anak.”

“ANG GALING NIYO PO, SIR. CONGRATULATIONS. SALUDO PO AKO SA INYO.”

“Humanga din ako sa mga anak dahil hindi nila ikinahiya ang kalagayan ng tatay nila. God bless po sa inyong mag-aama.”

“God bless you po… Proud Tatay… Congrats 🎉👏 sa dalawang anak… Keep it up para maabot ang mga pangarap sa buhay.”

Congratulations, Janella at John Mark!

Read More

Recent News

- Advertisment -
Google search engine