Wednesday, April 30, 2025
HomeTop StoriesNational NewsBakit Ngayon Lang? Rollout ng ₱20 Bigas, Sakto Ba sa Panahon ng...

Bakit Ngayon Lang? Rollout ng ₱20 Bigas, Sakto Ba sa Panahon ng Eleksyon?

Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) ang pagsisimula ng rollout ng ₱20 kada kilo ng bigas sa Visayas bilang pagtupad sa isa sa mga pangunahing pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong kampanya.

Target ng programa ang mga rehiyon ng Western Visayas (Region 6), Central Visayas (Region 7), at Eastern Visayas (Region 8).

Ayon sa DA, ang mga benta ng murang bigas ay sisimulan sa pamamagitan ng mga Kadiwa Centers sa Visayas simula Mayo 2, 2025. Ito ay matapos makakuha ang ahensiya ng clearance mula sa Commission on Elections (Comelec) kahit may umiiral na election ban.

Ang bigas na ibebenta sa halagang ₱20 kada kilo ay magmumula sa 378,157 metric tons na buffer stock ng NFA, katumbas ng humigit-kumulang 7.56 milyong sako. Sa kasalukuyan, mahigit 862,000 sako ang nakaimbak sa Iloilo, habang ang iba pang supply ay nakatakdang dalhin sa Cebu, Negros Island, Samar, at Leyte.

Plano ng administrasyon na ipagpatuloy ang ₱20-rice program hanggang Disyembre 2025, na maaaring palawigin hanggang Pebrero 2026.

Dagdag pa ng mga opisyal, layunin ng Pangulo na maabot ang target ng murang bigas bago matapos ang kanyang termino sa 2028.

Gayunman, sa kabila ng pagpapatupad ng ₱20 kada kilong bigas, nananatiling hamon ang mataas na presyo ng bilihin. Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang inflation rate noong Marso 2025 ay nasa 4.9%, mas mataas kaysa noong simula ng termino ni Marcos Jr. noong 2022, na nasa 3.6%.

Binatikos din ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte ang programa, tinawag itong isang “too little, too late” na hakbang ng administrasyon. Ayon kay Duterte, ang ₱20 kada kilong bigas ay bahagi ng campaign promise ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ngayon lamang ipinatutupad — at sa panahon pa ng eleksyon.

“Hindi ‘yan pagiging mapagpuna. Nagsasabi ako ng totoo. It’s a campaign promise iyong 20 pesos per kilo na rice, at ngayon lang ini-implement na panahon ng eleksyon,” sabi ng bise presidente sa isang ambush interview sa Tondo, Maynila.

Sa kabila nito, ipinahayag ng Department of Agriculture na patuloy silang maghahanap ng paraan upang mapalakas ang produksyon ng lokal na palay at suportahan ang food security program ng administrasyon.

Read More

Recent News

- Advertisment -
Google search engine