Sang-ayon si Senate Majority Leader Francis Tolentino sa pahayag ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commodore Jay Tarriela ukol sa kahalagahan ng eleksyon sa usapin ng West Philippine Sea.
“The West Philippine Sea is now an election issue. We have to make sure that those candidates that are going to be elected for Senate, Congress, and local government units are those politicians who are not pro-China but pro-Philippines,” sabi ni Tarriela sa West Philippine Sea Youth Forum sa Colegio de San Juan de Letran noong Mayo 7.
Isa sa mga malakas ang boses sa usapin ng West Philippine Sea si Senator Tolentino.
Kilala siya bilang tagasuporta ng mga panukala at programa para sa mas matatag na posisyon ng Pilipinas sa WPS. Si Tolentino din ang pangunahing may-akda ng Philippine Maritime Zones Act (Republic Act 12064), na naisabatas noong Nobyembre 2024.
Layunin ng batas na tukuyin at igiit ang mga maritime zones ng bansa alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 arbitral ruling laban sa China.
Iminungkahi rin ni Tolentino ang pagbuo ng isang West Philippine Sea Command upang pag-isahin ang Western at Northern Luzon Commands ng Armed Forces of the Philippines—isang hakbang na magpapahusay sa ugnayan ng mga sangay ng militar sa pagbabantay at pagtugon sa mga insidente sa karagatan.
Suportado din ni Tolentino ang pagpapalawak ng presensya ng Philippine Navy sa WPS, at ang pagbigay ng karagdagang pondo para sa mga barko, pasilidad, at patrol operations, partikular na sa Pag-asa Island at kalapit na teritoryo. Inilatag din niya ang ideya ng pagtatayo ng mga estruktura para sa pananaliksik, pangingisda, at ekoturismo upang palakasin ang presensya ng sibilyan sa mga isla.
Bukod dito, isinusulong ng senador ang pagsasampa ng isyu sa United Nations General Assembly at ang pagpapatuloy ng joint patrols kasama ang mga kaalyadong bansa tulad ng Estados Unidos, Japan, at Australia.
Ayon sa isang survey mula sa Pulse Asia, 78% ng mga Pilipino ang nagsasabing mas susuportahan nila ang mga kandidatong may matibay na paninindigan sa WPS—isang paninindigang malinaw sa plataporma ni Tolentino.