Friday, June 6, 2025
HomeTop StoriesFeatured ArticlesDeportation ni Arnolfo Teves: Konektado nga ba sa ASEAN Entry ng Timor-Leste?

Deportation ni Arnolfo Teves: Konektado nga ba sa ASEAN Entry ng Timor-Leste?

Deportation.

Ito na ang magiging estado ni dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. matapos siyang arestuhin ng mga awtoridad sa Timor-Leste noong Mayo 28, 2025.

Ayon sa mga opisyal, siya ay isang undocumented alien at banta sa pambansang seguridad. Ngayon ay inihahanda na ang kanyang deportasyon pabalik sa Pilipinas upang harapin ang mga kasong kriminal na isinampa laban sa kanya.

Si former Congressman Teves ay pangunahing akusado sa Pamplona massacre noong Marso 2023, kung saan napatay si Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa. Labimpitong indibidwal din ang nasugatan sa nasabing insidente.

Dalawang suspek na unang naaresto ang nagturo kay “Cong Teves” bilang utak ng krimen. Mariin niyang itinanggi ang mga paratang at iginiit na isa lamang itong pampulitikang pag-uusig. Gayunpaman, kinasuhan siya ng multiple murder, frustrated murder, at terrorism sa ilalim ng Anti-Terrorism Act. Noong Agosto 2023, tuluyan siyang pinatalsik sa Kamara dahil sa tuluy-tuloy na pagliban at hindi pagsunod sa mga direktiba.

Ngunit may koneksyon nga ba ang biglaang deportasyon kay Teves sa mas malawak na layunin ng Timor-Leste na maging kasapi ng ASEAN? Simula pa noong 2011 ay naghain na ng aplikasyon ang Timor-Leste para sa pagiging miyembro ng samahan. Noong 2022, binigyan ito ng observer status. At nitong Mayo 2025, ilang araw bago maaresto si Teves, inaprubahan ng mga lider sa 46th ASEAN Summit sa Kuala Lumpur ang kanilang opisyal na pagpasok bilang ika-11 kasapi sa darating na Oktubre.

Noong Marso, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang patuloy na pagtanggi ng Timor-Leste sa mga extradition request kaugnay kay Teves ay maaaring makaapekto sa posisyon ng Pilipinas sa pag-apruba ng ASEAN membership nito. Makalipas ang ilang linggo, inaresto at dineport si Teves ng mga Timorese authority, sa gitna ng papalapit na desisyon ng ASEAN.

Walang pormal na kumpirmasyon na may kapalit ang deportasyon. Ngunit para sa ilang observers, hindi raw maikakaila ang timing. Ang mabilis na pagkilos laban kay Teves ay sumabay sa kritikal na yugto ng Timor-Leste ASEAN accession, at posibleng bahagi ng pagsisikap nitong patunayan ang kakayahang makiisa sa mga pamantayan ng rehiyon.

Read More

Recent News

- Advertisment -
Google search engine