Monday, October 13, 2025
HomeTop StoriesEditorial NewsAng Koneksyon ng mga Ahensya sa Likod ng Power Supply ng Bayan

Ang Koneksyon ng mga Ahensya sa Likod ng Power Supply ng Bayan

Isa ang naging malinaw na tanong sa ating panayam kay energy consultant Arwin Lawas Ardon: Sa dami ng mga acronyms na naririnig natin tungkol sa kuryente, paano nga ba silang lahat nag-uugnay?

Ang DOE o Department of Energy ay itinatag sa bisa ng Republic Act 7638 noong 1992 at pinalawak pa sa ilalim ng Republic Act 9136, o ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA). Sa madaling sabi, ito ang ahensya na nagsisigurado na ang suplay ng enerhiya sa bansa ay matatag, ligtas, pangmatagalan at higit sa lahat abot-kaya.

Sa ilalim ng DOE, nandiyan ang National Power Corporation (NPC) na namamahala sa mga pag-aari ng gobyerno na may kinalaman sa kuryente at mga watersheds. Sila rin ang nagdadala ng kuryente sa mga liblib na lugar na hindi konektado sa national grid na tinatawag na mga missionary areas.

Ang National Transmission Corporation (TransCo) naman ang may hawak sa mga grid. Ito ang mga linya ng kuryente na nagdudugtong sa malalayong lugar. 

Ang Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) ang nangangasiwa sa pagbebenta ng mga dating pag-aari ng gobyerno na power plants sa pribadong sektor ayon sa itinakda ng EPIRA.

Mayroon ding National Electrification Administration (NEA) na may tungkuling palawakin ang access sa kuryente sa mga rural na lugar. Binabantayan din nila kung patas at maayos ang pagpapatakbo ng mga electric cooperative. 

Ang Philippine National Oil Company (PNOC) naman ang responsable sa pagsisiguro na may sariling pinagkukunan ng enerhiya ang bansa. 

Bukod sa mga nabanggit, may tatlong institusyon na nakikipag-ugnayan sa DOE at mga ahensyang kaakibat nito.

Ang Energy Regulatory Commission (ERC) ang nag-aapruba ng presyo ng kuryente at nagpaparusa sa mga energy company na gumagawa ng hindi makatarungan. Direktang hawak ito ng Office of the President.

Ang Philippine Electricity Market Corporation (PEMC) ang nangangasiwa sa wholesale electricity trading o spot market kung saan nagbebenta ng kuryente. Nasa ilalim ito ng DOE, pero pinapatakbo ing isang board na binubuo ng mga supplier, generator at distributor.

At panghuli, ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), isang pribadong kumpanya na may hawak ng transmission ng kuryente mula sa power producers papunta sa distribution utilities, at may concession agreement ito mula sa TransCo. 

Sa kasalukuyan, 60% nito ay hawak ng isang Filipino consortium at 40% ay pag-aari ng State Grid Corporation of China. Noong 2024, pumirma ang Maharlika Investment Corporation ng kasunduan para bilhin ang 20% stake bilang dagdag presensya ng gobyerno sa board ng NGCP.

Read More

Recent News

- Advertisment -
Google search engine