Dalawang Pilipino ang naaresto kamakailan dahil sa umano’y pagkakasangkot nila sa operasyon ng paniniktik o espionage na may kaugnayan sa China.
Sa isang pahayag noong Marso 4, kinumpirma ng National Security Council (NSC) na may natuklasang seryosong usapin ng espionage at foreign-directed malign activities sa bansa na may kaugnayan sa People’s Republic of China. Hindi naglabas ng karagdagang detalye ang pamahalaan tungkol sa mga pangalan, pamamaraan, o timeline ng operasyon upang hindi maapektuhan ang patuloy pang counter-intelligence activities.
Ang pagkakaaresto ay resulta ng pinagsamang operasyon ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa ilalim ng Insider Threat Program na naglalayong protektahan ang sensitibong impormasyon at operasyon ng gobyerno laban sa foreign espionage, coercion, at iba pa.
Sa gitna ng mga pangyayaring ito, isinusulong sa Kongreso ang panukalang New Espionage Act, bahagi ng mas malawak na pagsisikap na palakasin ang legal na depensa ng bansa laban sa modernong taktika ng espionage.
Inaprubahan kamakailan ng pinagsamang House Committee on National Defense and Security at ang Committee on Revision of Laws ang report sa panukalang batas, na magbibigay-daan upang umusad ang deliberasyon sa Kamara. Layunin ng panukalang batas na palitan ang umiiral na Commonwealth Act No. 616, o Espionage Act of 1941. Kapag naisabatas, inaasahang palalawakin ng bagong batas ang depinisyon ng espionage upang masaklaw ang mga modernong operasyon tulad ng cyber espionage, covert intelligence networks, at iba pang uri ng foreign interference.
Nanawagan din ang NSC sa Kongreso na bigyang prayoridad ang pagpasa ng panukalang ito, kasama ang Anti-Foreign Malign Influence and Interference Act, upang mas mapalakas ang kakayahan ng pamahalaan na tuklasin at hadlangan ang mga covert operations ng mga dayuhang estado.
Ayon sa NSC, mahalagang magkaroon ang bansa ng mas modernong legal framework upang maprotektahan ang sensitibong impormasyon, kritikal na imprastraktura, at pambansang seguridad sa harap ng mabilis na pagbabago sa global security environment.


