Sa isang eksklusibong panayam kay energy consultant Arwin Lawas Ardon, ibinahagi niya ang isang mahalagang pahayag hinggil sa energy security ng bansa.
“Wala tayong reserves ng petrolyo,” ipinaliwanag ni Ardon, habang sinasabi na sa pambansang antas, ang Pilipinas ay walang tinatawag na Strategic Petroleum Reserve, o SPR.
Pero ano nga ba ang SPR, at bakit ito mahalaga?
Sa pinakasimpleng paliwanag, ang SPR ay parang national na alkansya. Pero imbes na pera, krudo, diesel, at gasolina ang laman nito. Mahalaga ito para mapanatiling umaandar ang ekonomiya, lalo na kapag biglang tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Sa mga bansang may SPR, maaaring maglabas ng supply mula sa kanilang imbak upang kontrolin ang presyo at maiwasang tamaan nang todo ang mga mamimili.
Pero ang ganitong “buffer“? Wala tayo niyan. Gaya ng sabi ni Ardon, “We’re always at the mercy of global markets.”
Balikan natin ang kasaysayan. Sa gitna ng pandaigdigang oil crisis noong dekada 70, itinatag ni dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos ang Philippine National Oil Company (PNOC) upang mabawasan ang pagdepende sa dayuhang langis. Nilikha rin ang Oil Price Stabilization Fund (OPSF) upang sumalo ng biglaang pagtaas ng presyo, para hindi direktang pasanin ng mamamayan.
Nagbago ang takbo nito pagsapit ng dekada 90. Sa ilalim ni Pangulong Fidel V. Ramos, mabilis na isapribado ang mga ari-arian ng gobyerno sa sektor ng enerhiya. Ipinasa din ang Downstream Oil Deregulation Act of 1998 (Republic Act No. 8479) na tuluyang nagbigay ng kontrol sa presyo sa mga pribadong kompanya.
Sa kasalukuyan, hindi na tayo mismo ang nagra-refine ng petrolyo. Umaasa tayo sa imported na langis, at wala tayong reserbang maaaring gamitin sa panahon ng krisis.
Sa kabila nito, kinilala ng Department of Energy (DOE) ang pangangailangan para sa SPR. Sa pamamagitan ng Department Circular No. DC2021-07-0023, inatasan nito ang PNOC na pag-aralan at simulan ang isang national stockpiling program.
Layunin nitong tukuyin kung saan maaaring magtayo ng mga tank farm at imbakan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ngunit ngayong 2025, wala pa ring aktwal na reserbang naitatayo.
At dahil dito, sa oras ng krisis, wala tayong masasandalan. Walang reserba. Walang paraan para makialam ang gobyerno. Tanging ang ordinaryong mamamayan ang paulit-ulit na pinapasan ang lahat ng bigat.


