Ang Project Stigma ay isang adbokasiyang inilunsad ng The Platform News katuwang ang Office of the Vice President for Academic Affairs – Office of Student Development Services (OVPAA-OSDS) ng University of the Philippines na may layuning palawakin ang kaalaman at kamalayan sa isyung mental health sa bansa.
Inilunsad ng TPN ang Project Stigma at ibinahagi ang mga datos na nakalap sa mga mental health practitioners, mga advocates, at mga estudyante sa University Hotel noong Hulyo 8, 2025.
Ipinakilala ng TPN ang sarili bilang isang tagapaghatid ng balita na hindi lang basta nag-uulat, kundi nagsisilbing inspirasyon. Hindi lang ito boses sa media, kundi katuwang sa pang-araw-araw na buhay, at naniniwala sila na bawat balita ay may kapangyarihang makapagbigay pag-asa, lalo ang mga kwentong nakaugat sa karanasang Pilipino.
Pinapahalagahan ng TPN ang pamilya at komunidad bilang pangunahing pinagmumulan ng lakas, lalo na sa gitna ng mabilis at magulong mundo.
Bahagi ng programa ang pagpapalabas ng isang video na nagpakita ng kalagayan ng mental health sa Pilipinas. Ayon sa datos ng TPN, pabigat nang pabigat ang mga kaso ng mental health problems sa mga kabataang Pilipino. Noong 2013, sinabi ng Department of Education (DepEd) na tatlong porsyento ng kabataan ang nagtangkang wakasan ang kanilang buhay. Pagsapit ng 2015, iniulat din ng The Borgen Project na halos 17 porsyento ng mga estudyante na may edad 13 hanggang 17 ay nakaranas ng parehong sitwasyon sa loob ng isang taon.
Pagkatapos ng pandemya noong 2021, tumaas pa ito ng 7.5 porsyento, na katumbas ng tinatayang 5 milyong kabataang may iniindang matinding mental health concerns.
Inilunsad ang Project Stigma dahil sa tumitinding pangangailangan para sa aksyon at sa layunin nito na maging higit pa sa karaniwang tagapag-ulat ng balita. Layunin nitong mabigyang pagkakataon at bigyang-lakas ang mga kabataan na magsalita tungkol sa kanilang pinagdadaanan ng walang takot o hiya. Kasama na rin dito ay pagpapahalaga sa mga programa and inistaibo na makakatulong sa pagpapaganda ng kanilang mental health, ang pagbuo ng isang komunidad kung saan pwedeng magtulungan.
Kasabay nito, hinihikayat din ang mga nakatatanda tulad ng mga lider, policy developers, at mga taong may kapangyarihang tumulong ay umunawa, at magpatupad ng mga suportang mekanismong makatutulong sa kapakanan ng kabataang Pilipino.