Sa panahon ng social media, ang mga insidente ng suicide ay hindi na nananatili sa pribadong espasyo. Sa loob lamang ng ilang minuto, maaaring kumalat ang balita sa pamamagitan ng posts, screenshots, at videos—minsan ay may kasamang haka-haka at hindi pa beripikadong impormasyon.
Dahil dito, ang dating lokal na trahedya ay naging mga pambansang usapin na sa digital platforms. Sa mga insidente na naganap sa mga pampublikong lugar, mabilis na naging paksa ng online diskusyon ang mga pangyayari bago pa man makapaglabas ng opisyal na pahayag ang mga awtoridad. Ang ganitong digital amplification ay naglalantad hindi lamang ng insidente, kundi pati ng mga indibidwal at ang kanilang mga pamilya.
Para sa pamilya, ang pagdadalamhati ay nagiging mas komplikado kapag may kasabay na public scrutiny. Bukod sa emosyonal na pagkawala, kailangan nilang harapin ang mga komento, spekulasyon, at minsan ay mapanghusgang reaksyon sa online spaces. Ang pagkalat ng detalye, tama man o mali, ay maaaring magdulot ng dagdag na trauma.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, umabot sa 3,379 ang namatay sa pamamagitan ng intentional self-harm noong 2024. Sa unang anim na buwan ng 2025, halos 2,000 na kaso na ang naitala ng Philippine National Police. Ipinapakita ng mga bilang na ito na ang suicide ay isang seryosong pambansang isyu—ngunit sa kasalukuyang digital environment, ang epekto nito ay hindi lamang personal kundi publiko.
Habang maaaring magsilbing plataporma ang social media para sa awareness at suporta, mahalaga ang responsableng pagbahagi ng impormasyon. Ang pamilya ang unang sumasalo sa epekto ng pagkawala, at sa maraming pagkakataon, sila rin ang unang linya ng suporta bago pa man umabot sa propesyonal na tulong.
Sa gitna ng mabilis na daloy ng impormasyon online, nananatiling mahalaga ang maingat na diskurso, pagrespeto sa pribadong pagdadalamhati, at pagpapalakas ng komunikasyon sa loob ng tahanan.
Related articles: Denmark Pushes Social Media Ban for Kids Under 15, Citing Alarming Mental Health Effects to Reduce Addiction and Protect Well-Being
Sa digital age, ang pagharap sa suicide ay hindi lamang usapin ng mental health response kundi ng kung paano natin pinangangasiwaan ang impormasyon at pakikilahok sa pampublikong usapan.


