Mahaba ang kasaysayan ng forced labor o sapilitang paggawa sa Pilipinas. Hindi ito isang modernong pasakit na umiiral lamang sa panahong ito ng industrial fishing, manufacturing, o domestic work. Ang ugat nito ay mas malalim at mas matagal, at nagmula pa sa panahon ng kolonyalismong Espanyol noong ika-16 na siglo.
Ang polo y servicio ay isang patakarang ipinatupad ng pamahalaang Espanyol kung saan lahat ng kalalakihang Pilipino na may edad 16 hanggang 60 ay kinakailangang magtrabaho ng sapilitan sa loob ng 40 araw bawat taon.
Ibinaba ito sa 15 araw noong 1884, sa gitna ng mga reporma at lumalakas na boses ng mga ilustrado.
Taon-taon, hinuhugot ang mga tinatawag na polista mula sa kanilang mga tahanan upang ipatupad ang iba’t ibang proyekto. Kabilang dito ang pagputol ng mga punong kahoy para sa paggawa ng mga barko para sa Manila–Acapulco Galleon Trade. Bahagi rin ng kanilang tungkulin ang pagtibag ng bato, ang pagbubuhat at pag-angkla ng mga materyales sa konstruksyon, at ang mismong pagtatayo ng mga simbahan, kumbento, gusaling pamahalaan, tulay at mga kalsada.
Ginagamit din sila para sa paglilinis ng mga kalsada, ilog, sapa, at iba pang daanan.
Hanggang ngayon, may mga bakas pa rin ng mga istrukturang itinayo sa ilalim ng polo. Ilan sa mga ito ay ang Simbahan ng Angeles sa Pampanga, ang Simbahan ng Maribojoc sa Bohol, ang Malagonlong Bridge sa Tayabas, Quezon, at ang Pagsanjan Arch sa Laguna.
Ngunit hindi dapat ito tignan bilang simpleng ambag sa imprastraktura. Maraming anyo ng pang-aabuso ang kaakibat ng polo. Ayon sa mga historyador tulad ni Onofre Corpuz at Filomeno Aguilar Jr., ang polo ay hindi lamang isang anyo ng serbisyong publiko kundi isang mekanismo ng pagsasamantala.
Habang ang mga maykaya at kabilang sa principalia ay maaaring umiwas sa polo sa pamamagitan ng pagbabayad ng tinatawag na falla, ang karaniwang mamamayan ay walang ganitong opsyon.
Sa maraming pagkakataon ay lumabag din ang pamahalaang Espanyol sa sarili nitong mga alituntunin. Ayon sa batas, hindi dapat ipadala ang mga polista sa labas ng kanilang bayan. Ito ang naging rason para sa pag aaklas noong 1649 at 1660.
Ang polo ay isa lamang sa maraming anyo ng buwis at sapilitang serbisyong ipinataw sa mga Pilipino. Ang kombinasyon ng mga ito—ang polo, tributo, at bandala ay lumikha ng isang estrukturang nagpapalalim sa kahirapan ng mga Pilipino at nagpapatibay ng kapangyarihan ng mga kolonyal na Espanyol.


