Kamakailan ay lumabas ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) tungkol sa 18.9 milyong high school graduates sa bansa na sinasabing functionally illiterate, o ang mga marunong magbasa at sumulat pero hindi nakakaintindi.
Ngunit ano nga ba ang ibig sabihin nito, at ano ang epekto nito sa mga 18.9 milyong gradweyt?
Ang 2024 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS) na isinagawa ng PSA ay nagsuri sa functional literacy ng mga Pilipino mula 10 hanggang 64 na taong gulang. Hindi lamang ito nakatuon sa kakayahang magbasa at magsulat, kundi pati na rin sa kakayahang mag-comprehend at mag-apply ng mga impormasyon sa pang-araw-araw na buhay.
Ang functional literacy ay tumutukoy sa kakayahang magbasa, magsulat, at magsagawa ng mga simpleng kalkulasyon at gamitin ang mga kasanayang ito sa mga praktikal na sitwasyon tulad ng pagbabasa ng mga tagubilin, pag-unawa sa mga bills, o pagsagot sa mga forms.
Ayon sa mga resulta ng survey, ang 18.9 milyong high school graduates ay itinuturing na functionally illiterate. Bagamat natapos nila ang basic education, wala silang kakayahang maunawaan at ma-process ang mga tekstong binabasa nila.
Pero ano ang magiging epekto nito? Ayon sa isang ulat mula sa World Literacy Foundation, tinatayang nagkakahalaga ng ₱258 billion ang pagkawala ng produktibidad dulot ng illiteracy sa ekonomiya ng Pilipinas. Ang mababang antas ng functional literacy ay may malalim na epekto sa kakayahan ng mga Pilipino na makuha ang mas mataas na oportunidad sa trabaho, na nagiging sanhi ng patuloy na kahirapan.
Ito rin ay isang pangunahing sanhi ng learning poverty. Ayon sa World Bank, mga 90% ng mga bata sa bansa ay hindi nakakamit ang minimum na kakayahan sa pagbabasa at matematika, kaya’t hindi nila kayang mag-apply ng mga natutunan sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Bukod sa kahirapan, may epekto rin ito sa kalusugan. Sinabi ng National Library of Medicine na maraming Pilipino ang nahihirapan sa pag-unawa ng mga mahahalagang impormasyon sa kalusugan, kaya’t nagiging sanhi ito ng hindi tamang paggamit ng gamot at hindi pagsunod sa mga medikal na tagubilin, na nagdudulot ng masamang epekto sa kalusugan.
Sa madaling salita, ito ay nangangahulugang may mahigit 18 milyong Pilipino na nasa panganib ng pagiging mahirap, pagkakaroon ng mga problemang pangkalusugan, at iba pang mga banta dulot ng kabiguan sa edukasyon.