Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Chairperson George Garcia, ang mga insidente ng mga nasirang automated counting machines (ACMs) ngayong 2025 ay “relatively lower.”
Kung ikukumpara sa mga nakalipas na halalan, lalo na noong 2022, umabot sa mahigit 2,500 na mga ACMs ang kailangang palitan sa unang ilang oras pa lang ng botohan.
Ngayon, 311 lang umano ang naitalang nasira.
Pero ayon sa ating mga nakausap na botante, iba ang kanilang karanasan.
Si Abby Vicente, botante mula sa District 4 ng Quezon City, ay bumoto sa UP Integrated School (UPIS) bandang alas-singko y medya ng hapon.
“The PPCRV people were at the entrance, so akala ko pagpasok ko sa voting area mabilis lang. Pero when I went sa pila ng cluster ko, na-shock ako kasi ang haba ng pila,” sabi ni Vicente.
Hindi inasahan ni Vicente na aabutin siya ng halos limang oras bago matapos ang proseso ng pagboto at kung ano kabagal ang proseso sa loob ng presinto.
“Hindi ko alam kung mabagal ba yung pag-enter ng balota sa machine kasi it takes 1–2 minutes bago siya magbigay ng resibo. Or dahil ba late na ako dumating, pero sabi nila ganun pa din ang pila around 10 a.m.”
Para kay Vicente, malinaw ang ugat ng problema: ang pagplano.
“Ang daming factors for the delay, pero it boils down pa din for me sa poor planning. Every three years naman na itong ginagawa, same problems ang encountered.”
“Since 18 years old ako, parang 5–6 times na akong bumoto. At every three years naman ang botohan, midterm at national elections. Pero ngayon ko lang naranasan na halos 5 hours ako sa precinct just to vote. Yung ibang precinct nagbibilangan na, pero kami bumoboto pa.
“Dami mo na sana pwede nagawa pero hindi eh. Poor planning talaga ‘to eh. Kasi ginagawa natin ‘to, tapos same old din mga problems.”
May mensahe rin si Vicente para sa mga namamahala ng eleksyon.
“If COMELEC can read this, I want to congratulate them on how they work, but I am very disappointed on where my taxes go. We need to have better strategic planners on how we can resolve the repeating problems during voting.
“Pagod na akong maging resilient, pero mas nakakapagod pa lang magreklamo kasi hindi ka napapakinggan. We vote because we want to change something. I hope they will create better system for us. Mahiya naman sana sila kasi hindi na effective yung ways nila eh. I pray they come up with better long-lasting solutions.”
Para kay Vicente, ang pagboto ay isang responsibilidad, ngunit hindi dapat itong maging sakripisyo.
“Civil duties natin bumoto, pero bakit parang sakripisyo ang pagganap sa responsibilidad na ito? I think very wrong ang ganung pakiramdam. We elect officials para pagaanin ang buhay natin, at hindi para pahirapan tayo.”