Bago pa naging opisyal na polisiya ang pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa noong 1970s, matagal nang may kasaysayan ang migrasyon ng mga Pilipino, lalo na sa Estados Unidos.
Noong 1898, naging kolonya ng Amerika ang Pilipinas matapos ang Spanish-American War. Sa ilalim ng pananakop, kinilala ang mga Pilipino bilang U.S. nationals – ibig sabihin, may katapatan sila sa Estados Unidos ngunit hindi sila mamamayan.
Ayon kay Laurinne Jamie Eugenio ng Harvard International Review, sinimulan ito ni Pangulong William McKinley sa layuning βsibilisahinβ ang mga Pilipino ayon sa pananaw ng kolonyal na Amerika. Isang malaking hakbang dito ang pagdating ng mga Thomasites noong 1901. Sila ay mga gurong Amerikano na nagturo ang wikang Ingles at bumuo ng bagong sistemang pang-edukasyon.
Sinundan ito ng Pensionado Act, kung saan ipinadala ang mga piling estudyanteng Pilipino upang mag-aral sa mga unibersidad sa Estados Unidos bilang iskolar ng pamahalaan.
Noong 1906, dumating sa Hawaiβi ang unang grupo ng mga Filipinong sakadaβlabinlimang Ilokano na ipinadala upang magtrabaho sa mga taniman ng tubo. Dahil hindi pa sakop ng mga limitasyon ng immigration laws, lumawak ang pagpasok ng mga Pilipino sa mainland U.S. sa mga susunod na dekada, lalo na sa California.
Ngunit nagbago ito noong 1934. Sa ilalim ng TydingsβMcDuffie Act, isinagawa ang sampung taong transisyon tungo sa kasarinlan ng Pilipinas. Mula sa pagiging U.S. nationals, itinuring na dayuhan ang mga Pilipino, at ipinataw ang immigration quota na 50 kada taon.
Dahil dito, biglaang bumagal ang migrasyon.
Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pinayagan ng War Brides Act ang mga Pilipinang asawa ng sundalong Amerikano na lumipat sa U.S., kung saan tinatayang 16,000 ang dumating sa huling bahagi ng 1940s. Noong 1946, ipinasa ang LuceβCeller Act na nagtakda ng quota na 100 Pilipino bawat taon at nagbigay ng karapatang mag-naturalize bilang mamamayan ng U.S.
Noong 1965, ipinasa ang HartβCeller Act na nag-alis ng racial quotas at nagtataas ng immigration limit sa 20,000 kada taon. Dahil dito, nagsimulang dumagsa ang mga Filipinong nurse, guro, inhinyero, at technician sa Amerika.
Noong 1974, ipinasa ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Presidential Decree No. 442 na nag-institutionalize sa Overseas Employment Program. Sa puntong ito, naging ganap na patakaran ang paglabas ng mga manggagawang Pilipino tungo sa ibaβt ibang panig ng mundo.