Monday, June 2, 2025
HomeTop StoriesFeatured ArticlesMarso 31, 1764: Ang Pagbabalik ng Maynila sa Espanya mula sa Britanya

Marso 31, 1764: Ang Pagbabalik ng Maynila sa Espanya mula sa Britanya

Pagka inaalala natin ang kasaysayan ng panahon ng kolonyalismo sa Pilipinas, madalas tatlong bansa lang ang naaalala: Espanya, Amerika, at Hapon. Pero noong 1764, may isa pang bansang halos hindi nababanggit sa mga libro ng kasaysayan: ang Britanya.


Ito ay nangyari sa kasagsagan ng Seven Years’ War sa Europa. Kaalyado ng Espanya ang Pransya sa pamamagitan ng tinatawag na Bourbon Family Compact, dahil magkamag-anak ang mga hari ng dalawang bansa. Nang pumasok ang Espanya sa digmaan, agad itong tinarget ng Britanya. Ang layunin nito ay guluhin at sirain ang kalakalan ng Espanya sa buong mundo. Bukod sa Havana sa Caribbean, napiling target din ang Maynila bilang mahalagang pantalan ng Espanya sa Asya.


Mula sa kanilang kolonya sa Madras, India, nagpadala ang Britanya ng 8 barkong pandigma, ilang frigate, at mga barkong may kargang sundalo at suplay. Humigit-kumulang 6,000 hanggang 7,000 katao ang bahagi ng ekspedisyon. Kabilang dito ang 1,000 British regulars, na mga propesyonal na sundalo ng hukbong Britanya. Kasama rin ang 2,000 sepoy, mga sundalong Indiano na bahagi ng British East India Company. Karamihan sa kanila ay mula sa Tamil Nadu sa timog India.


Kahit bumagsak ang Maynila, hindi tuluyang nasakop ng Britanya ang buong Luzon dahil sa mabilis na kilos ni Simón de Anda y Salazar na nagtayo ng pansamantalang pamahalaan sa Bulacan at Pampanga, kung saan pinamunuan niya ang gerilyang laban ng mga Kapampangan at Tagalog. Intramuros at Cavite lang ang tunay na napasakamay ng mga Briton sa loob ng 17 buwan, hanggang sa ibalik nila ang Maynila sa Espanya noong Marso 31, 1764, bilang bahagi ng Treaty of Paris. Wala silang natanggap na kabayaran, ngunit pinayagang dalhin ang mga bihag, yaman, at dokumento palabas ng bansa.


Samantala, daan-daang sepoy ang hindi na bumalik sa kanilang pinanggalingan; marami sa kanila ang tumakas, nagtago, at kalauna’y nanirahan sa mga bayan ng Cainta at Taytay. Dito sila nag-asawa ng mga lokal, nagka-pamilya, at tuluyang naging bahagi ng komunidad.


Ano ang naging epekto ng dalawang taong pamamalakad ng Maynila at Cavite ng mga Briton? Ayon sa Yuchengco Museum, nagdala ito ng mga bagong ideya sa pulitika at tumulong sa pagbubukas ng bansa sa pandaigdigang kalakalan.


Pagkatapos ng kanilang pag-alis, kinailangang muling idisenyo ang mga depensang estruktura ng Intramuros, na nagresulta sa paglikha ng mga bukas na espasyo sa paligid ng mga pader at dating moog. Ang mga espasyong ito ay naging mga parke, pampublikong hardin, malalawak na kalsada, at mga lugar para sa mga pampublikong gusali na tinatamasa pa rin natin ngayon.

Read More

Recent News

- Advertisment -
Google search engine