Mahigit 160,000 miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang nakakalat ngayon sa buong bansa upang tiyakin ang mapayapa at maayos na pagdaraos ng Halalan 2025 ngayong Lunes, Mayo 12.
Ayon kay PNP Director for Police Community Relations Maj. Gen. Roderick Augustus Alba, “All hands on deck” na ang kapulisan. Bukod pa rito, may mga nakahandang reserbang puwersa sa bawat istasyon na maaaring agad i-mobilize kung lumala ang seguridad sa mga lugar na may kasaysayan ng kaguluhan tuwing halalan.
Iniulat din ng PNP na bumaba na sa 370 ang mga tinatawag na “areas of concern,” isang malaking pagbaba mula sa mahigit 800 na naitala sa simula ng election period. Malaking bahagi ng tagumpay na ito ay iniuugnay sa maigting na pagpapatupad ng gun ban, kung saan 2,863 katao ang naaresto—kabilang ang 195 na nahuli sa mga checkpoint.
Ngunit sa kabila ng pagbaba sa bilang, hindi pa rin maikakaila na may nananatiling panganib sa ilang lugar. Sa halip na umasa lamang sa mga numero, kailangang masusing tingnan ang aktuwal na kalagayan sa mga tinaguriang election hotspots.
Sa Cordillera Administrative Region (CAR), partikular sa Abra, nananatiling mainit ang klima ng pulitika. May 11 insidente na ang naitala—kabilang ang mga pananambang, barilan sa pagitan ng mga tagasuporta ng kandidato, at pagpatay sa mga lokal na opisyal—mga pangyayaring tila naging bahagi na ng eleksyon sa rehiyon.
Sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), naitala ang 8 insidente ng karahasan, kabilang ang mga pag-atake gamit ang granada, pananambang sa mga kandidato, at mga armadong engkuwentro sa Maguindanao del Sur at Basilan.
Sa Cagayan Valley, tinambangan at napatay ang isang alkalde sa Rizal, Cagayan, habang sa National Capital Region (NCR), binaril ang isang party-list nominee sa Sampaloc, Maynila—patunay na maging ang mga urbanisadong lugar ay hindi ligtas.
Malinaw na kahit bumaba ang opisyal na bilang ng “areas of concern,” nananatiling hindi pantay at delikado ang antas ng seguridad sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kaya ang tanong ng bayan: Sapat ba ang 160,000 pulis? O kailangan ng mas matinding pagkilos laban sa mga private armed groups, political warlords, at kulturang marahas na patuloy na nilalason ang ating halalan?