Sa kabila ng tumitinding tensyon sa pagitan ng China at Taiwan, iginiit ng isang opisyal ng militar na hindi makikilahok ang Pilipinas sa anumang digmaan na maaaring sumiklab sa rehiyon.
Ayon kay Major General Francisco Lorenzo Jr., exercise director ng Pilipinas para sa Balikatan Exercises 2025, nananatiling matatag ang paninindigan ng bansa na isantabi ang digmaan bilang pambansang polisiya kahit na sa tumitinding sitwasyon sa mga dagat na nasasakupan ng Pilipinas.
“The Philippines has renounced war as a means of its national policy. So, if ever there will be conflict in Taiwan, the Philippines will not participate. And we will still continue to defend our territory and the Philippines,” ani Lorenzo sa pagbubukas ng Balikatan sa Camp Aguinaldo noong Abril 21.
Ang Balikatan 2025 ay ang ika-40 edisyon ng taunang war games sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, kung saan higit sa 17,000 na mga sundalo ang kalahok—karamihan mula sa U.S. Indo-Pacific Command.
Isinasagawa ito sa mga pangunahing lokasyon sa hilaga at kanlurang bahagi ng bansa, kabilang na ang mga puwersa mula sa Australia, Japan, France, at United Kingdom.
Itinuturing itong pinakamalaking military exercise sa kasaysayan ng Balikatan, na nakatuon sa interoperability, o ang kakayahan ng magkakaibang hukbo na magsagawa ng sabayang operasyon sa ilalim ng iba’t ibang kondisyon.
Ang pahayag ni Lorenzo ay tugon sa naging panawagan ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. noong Abril 1 sa anibersaryo ng Northern Luzon Command, kung saan hinimok niya ang mga sundalo na maging handa “in case there is an invasion of Taiwan.”
Nilinaw nina Lorenzo at ng kanyang US counterpart na si Colonel Doug Krugman ng U.S. 1st Marine Expeditionary Force, na walang direktang koneksyon sa Taiwan ang mga aktibidad ng Balikatan. Ang pokus ay nasa territorial defense ng Pilipinas at pagpapalakas ng kakayahan ng mga kaalyado.
Bagamat ito ang unang pagkakataon na isinagawa ang isang full-scale battle simulation, lakip na dito ang live-fire exercises, amphibious landings, at integrated missile defense, iginiit ng mga opisyal na ito ay bahagi lamang ng paghasa sa kolektibong depensa, at hindi kaugnay ng anumang regional conflict.
Tatagal ang Balikatan 2025 mula Abril 21 hanggang Mayo 9.