Naglabas ng babala ang isang pulmonologist sa patuloy na pagdami ng kaso ng influenza o trangkaso sa bansa, kabilang na ang tinatawag na “super flu,” ayon sa ulat mula sa PEP.ph. Batay sa panayam ng DZMM, ibinahagi ni Dr. Maricar Limpin ang ulat ng World Health Organization (WHO) at iba pang international medical sources na unang na-detect ang mga kaso ng naturang virus noong kalagitnaan ng 2025 sa ilang bansa sa Europa tulad ng United Kingdom at Norway, gayundin sa Estados Unidos at Japan.
Kapansin-pansin ang pagtaas ng mga kaso sa Pilipinas lalo na noong panahon ng kapaskuhan, kasabay ng malamig na panahon.
Ipinaliwanag ni Limpin na ang tinaguriang “super flu” ay kilala bilang subclade K, isang mutated na bersyon ng influenza A virus, o H3N2. Katulad ng karaniwang trangkaso, nagdudulot ito ng mga sintomas gaya ng ubo, sipon, lagnat, pananakit ng katawan, at pangangati ng lalamunan. Gayunman, mas tumatagal umano ang mga sintomas nito
kumpara sa ordinaryong flu.
“Very much like what we expect from flu. Ang difference lang, medyo nagtatagal ang symptoms,” ani ni impin sa panayam ng DZMM noong Enero 6, 2026. Dagdag pa niya, marami sa mga pasyenteng tinatamaan ng virus ang nakararanas ng tuluy- tuloy na ubo at matagal na pangangati ng lalamunan.
Ayon sa kanya, inaasahang magpapatuloy pa ang pagdami ng mga kaso ng flu at iba pang viral respiratory infections sa mga susunod na linggo, lalo na habang nananatiling malamig ang panahon.
Pagdating sa lunas, nilinaw ni Limpin na ang Oseltamivir, isang prescription antiviral medication, ang pangunahing gamot laban sa influenza. Binigyang-diin din niya na hindi ito antibiotic at hindi epektibo laban sa viral infections.
Gayunpaman, iginiit ng Limpin na ang pag-iwas pa rin ang pinakamabisang paraan laban sa super flu. Kabilang dito ang pagpapabakuna laban sa flu, madalas na paghuhugas ng kamay, maayos na bentilasyon sa mga indoor spaces, at pagsusuot ng face mask kapag may sintomas.
Dagdag pa niya na pektibo pa rin ang flu vaccine na natanggap noong nakaraang taon at nakatutulong upang mapagaan ang sintomas sakaling mahawaan Binalaan din niya ang publiko na huwag maliitin ang super flu dahil maaari itong mauwi sa seryosong komplikasyon tulad ng hirap sa paghinga, paglala ng hika, pag-atake ng COPD, at
maging problema sa puso.
Pinaalalahanan ni Dr. Limpin ang publiko na agad kumonsulta sa doktor kung ang mga sintomas ay tumatagal ng ilang araw o higit sa isang linggo upang maiwasan ang mas malalang kondisyon.


