₱4.58 bilyon.
Ito ang unang presyo ng New Senate Building (NSB) na inanunsyo noong 2018, ngunit ngayon ay lumobo na ito sa ₱31.67 bilyon.
Ang tanong ng marami: bakit ganito kalaki ang itinaas ng proyekto ng Senado sa Taguig?
Noong 2018, sinabi ng former chair ng Senate Committee on Accounts na si dating Senador Panfilo Lacson na ito ang magiging gastos ng pamahalaan para sa bagong tahanan ng Senado sa Navy Village, Fort Bonifacio, Taguig City. Noon pa man ay iginiit na napapanahon nang magkaroon ng permanenteng tirahan ang Senado, lalo’t mahigit na dalawang dekada na itong umuupa sa GSIS Building sa Pasay City.
Ang renta ng Senado ay umaabot sa humigit-kumulang ₱110 milyon kada taon, at tinatayang nasa ₱2.24 bilyon na ang kabuuang nagastos sa renta sa loob ng mahigit 20 taon.
Ang disenyo ng bagong gusali ay ipinagkatiwala sa kumpanyang AECOM, na nakakuha ng kontrata na may inisyal na halagang ₱4.58 bilyon. Ngunit noon pa lamang, may mga kumuwestiyon na sa mababang tantiyang ito, kabilang na dito ang kolumnistang si Rigoberto Tiglao, na nagbabala na maaaring mas mataas ang totoong gastos ng New Senate Building kaysa sa ipinapahayag.
Noong 2024, sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano — na ngayo’y namamahala na sa proyekto — na umabot na sa ₱31.67 bilyon ang inaasahang gastos para sa NSB. Hindi pa kasama rito ang bayad sa lupa, mga kagamitan, at furnishings na gagamitin sa loob ng bagong gusali ng Senado. Ayon kay Cayetano, ang mahigit 590% na pagtaas mula sa orihinal na budget ay bunsod ng finalized architectural at engineering designs, inflation, at karagdagang features.
Naantala rin ang pagtatayo ng NSB dahil sa pandemya ng COVID-19, mga pagbabago sa disenyo, problema sa contractors, at patuloy na pagtaas ng presyo ng construction materials. Dahil dito, mas lalong umusbong ang tanong ng publiko kung bakit kailangang ipilit ang paglipat ng Senado sa Taguig.
Dagdag pa ni Tiglao, ang pagtatayo ng bagong gusali ay isang anyo ng “depravity,” o labis na pagwawaldas ng pondo ng bayan — lalo na’t patuloy namang nagbabayad ang Senado ng ₱110 milyon taon-taon sa renta sa GSIS Building, isang gastos na mas makatuwiran kung ihahambing sa lumulobong halaga ng proyektong ito.