Ngayong panahon ng tag-ulan, talamak ang mga sakit na nakukuha mula sa maruming tubig, lamok, at pabago-bagong klima. Sa panahong ito, mas mataas ang panganib sa kalusugan, lalo na sa mga kabataan, matatanda, at may mahihinang resistensiya.
Narito ang limang pinakakaraniwang sakit tuwing tag-ulan, ang mga palatandaan nito at mga paunang lunas na maaaring gawin.
- Leptospirosis: Isang seryosong bacterial infection na nakukuha sa paglalakad o paglusong sa baha na kontaminado ng ihi ng daga. Ilan sa mga sintomas nito ang lagnat, pananakit ng kalamnan, pamumula ng mata, at paninilaw ng balat. Kapag hindi naagapan, maaaring magdulot ito ng komplikasyon sa atay at bato. Ang agarang pagpapatingin sa doktor at pag-inom ng antibiotics gaya ng doxycycline ay mahalaga.
- Dengue: Isang viral na sakit na dala ng kagat ng Aedes aegypti na lamok. Madalas itong tumaas sa panahon ng tag-ulan dahil sa mga nakatiwangwang na lalagyan ng tubig na pinamumugaran ng lamok. Karaniwang sintomas ang matinding lagnat, pananakit ng kasu-kasuan, rashes, at pamumula ng mata. Walang partikular na gamot sa dengue, ngunit mahalaga ang hydration at maagang konsultasyon sa doktor upang maiwasan ang dengue hemorrhagic fever na maaaring ikamatay.
- Typhoid fever at Cholera: Parehong dulot ng pag-inom ng maruming tubig o pagkain. Ang mga sintomas ng typhoid fever ay mataas na lagnat, pananakit ng tiyan, at diarrhea o constipation. Samantalang sa cholera, mabilis na dehydration dulot ng matubig na pagtatae. Kailangang uminom ng malinis na tubig, iwasan ang street food na hindi sigurado ang paghahanda, at agad na uminom ng oral rehydration salts (ORS) o magpa-ospital sa matinding kaso.
- Influenza o trangkaso: Madaling kumalat tuwing malamig at maulan. Sintomas nito ang lagnat, ubo, sipon, pananakit ng katawan, at minsan ay pagsusuka. Kadalasan ay gumagaling ito sa loob ng ilang araw sa pamamagitan ng pahinga, sapat na tulog, at pag-inom ng maraming tubig. Ngunit para sa mga may comorbidities, mainam na magpabakuna at agad na magpakonsulta.
- fungal skin infections tulad ng alipunga o an-an, na mas madalas sa tag-ulan dahil sa patuloy na basa o pawis sa katawan. Makikita ito bilang makating pantal o pagbabakbak ng balat sa paa, singit, o katawan. Maaaring gamutin gamit ang topical antifungal creams, ngunit dapat ding panatilihing tuyo at malinis ang katawan para hindi lumala.
Sa gitna ng mga banta ng kalikasan ngayong tag-ulan, paalala ng mga eksperto: huwag balewalain ang simpleng sintomas.
Mag-ingat sa baha, kumain ng ligtas na pagkain, uminom ng malinis na tubig, at huwag mahiyang magpakonsulta sa doktor kung may nararamdamang kakaiba.
Sa panahon ng sakuna, ang pagiging maagap at maalam ay susi sa kaligtasan ng pamilya.